Overhauled Reject Part 6

Overhauled Reject Part 1
Overhauled Reject Part 2
Overhauled Reject Part 3
Overhauled Reject Part 4
Overhauled Reject Part 5

Heto na ang Part 6

ISANG oras bago ang party ay nandoon na sa venue si Dan kasama si Leigh. Hiningi niya ang tulong ng receptionist dahil hindi niya kilala ang lahat ng officers at board members ng kompanya. Hindi na siya nagkaroon ng oras para pag-aralan ang litrato ng lahat kaya kinuha niya si Leigh bilang usherette.

“Leigh, thank you talaga sa pagtulong mo sa akin.”

“Ilang beses ko nang sinabi sa’yo diba? Okay na okay lang talaga sa akin. I like doing these kinds of things. It gives me a reason to dress up every once in a while.”

Nginitian niya ito. “Leigh, dito lang sa entrance ang post mo. Nasa iyo na ang seat plan, ikaw na ang bahalang mag-assist kapag may dumating na bisita. Ido-double check ko lang ang mga pagkain at inumin pati na yung sounds at video presentation. Tawagan mo ako sa cell phone kapag nagkaroon ng problema.”

“Got it.”

Tumalikod na siya pero muli ding bumalik nang may maalala. “Oh, I almost forgot, pwede bang sabihin mo kay Sir Hunter na puntahan agad niya ako kapag dumating siya? He’s already late. Sinabihan ko na siyang pumunta dito one hour before the time pero wala parin siya.”

“Sure, no problem.”

“KANINA mo pa daw ako hinihintay sabi ni Leigh,” nangibabaw ang boses na iyon ni Hunter sa maingay na kusina. Agad na lumapit si Dan dito.

“Bakit ngayon ka lang, Sir? Hindi ba sabi ko dapat nandito ka na isang oras bago ang scheduled time?”

He gave her an amused smile before answering. “Sorry, I got caught up. Anyway, nandito na ako.”

Wala na ang atensiyon niya sa sinasabi ni Hunter. Nakatitig na siya ngayon sa itsura nito.

“What?” Hunter snapped when she didn’t answer.

“Ano'ng nangyari sa damit mo?”

Nagtatakang sinipat ni Hunter ang sarili. “This is everything we bought yesterday. Ano’ng problema?”

Huminga muna siya ng malalim bago sumagot. “Mali,” umiling-iling pa siya. “Mali ang pagkakasuot mo. Halika nga. Ayusin natin ‘yang damit mo.” Hinila niya ito patungo sa ladies room.

“Teka lang, Dan. This is the ladies room.”

Hindi niya ito pinansin. Tuloy-tuloy lang siya sa pagpasok doon habang hila ito. Nang nasa loob na sila ay agad na niluwagan niya ang pagkakatali sa necktie na suot nito. Tama naman iyon kaya lang ay magulo. Mukhang basta lang nito iyon isinuot. Nasa ganoong ayos sila nang biglang bumukas ang pintuan ng comfort room.

“Woah!” nagpalipat-lipat ang tingin ni Leigh sa kanilang dalawa.

Oh no, this looks bad, bulong ni Dan sa sarili nang marealize niya kung ano ang itsura nila ni Hunter ngayon. Nakasandal ito sa counter habang siya naman ay kinakalas ang pagkakabuhol ng suot nitong necktie. Ano na lang ang iisipin ni Leigh na ginagawa nila doon?

“Leigh…”

“Sorry, ‘wag niyo akong pansinin. Ituloy niyo lang ang ginagawa niyo,” iyon lang at muli na nitong isinara ang pinto.

Frustrated na lumayo siya kay Hunter.

“I told you,” wika naman ni Hunter bago lumabas sa ladies room.

“Wait, Sir Hunter. Kailangan parin nating ayusin ang suot mo.”

“Don’t worry about it. Ako na ang mag-aayos,” anito saka pumasok sa men’s room.

Wala na siyang nagawa kundi ang maghintay na lang doon sa labas ng men’s room. Hindi naman siya naghintay ng matagal dahil lumabas din agad doon si Hunter.

“Akala ko ba aayusin mo ang suot mo?” agad na tanong niya kay Hunter paglabas nito.

“Hindi pa ba maayos yan?” nakakunot-noong itinuro nito ang necktie.

“Hindi pa,” pagkatapos huminga ng malalim ay muli niyang hinila si Hunter. This time papasok naman ng men’s room.

“I seriously cannot allow you to go out like that.” Tinanggal niya ang pagkakabutones ng coat na suot nito. “Hindi ba ikaw na mismo ang nagsabi sa akin na gusto mong magpa-impress? Bakit mukhang lukot na agad ang dress shirt mo?” Tinanggal din niya ang pagkakabutones ng suot nitong vest. Pagkatapos ay trinace niya ng mga kamay ang suot nitong dress shirt para alisin ang pagkakalukot niyon. Akmang aayusin na din niya ang pagkaka-tuck in ng suot nitong dress shirt nang pigilan nito ang mga kamay niya.

“Dan, I don’t think that’s a good idea.”

“’Wag kang magulo. Mas mabilis tayong matatapos kung ako ang gagawa nito.” Hawak na ni Dan ngayon ang waistband ng suot nitong slacks.

“Seriously, Dan, that’s not a good idea.”

Akmang sasagot nanaman si Dan nang bumukas ang pinto ng men’s room.

Not again! Inis na bulong niya sa sarili.

Pero hindi tulad ng nangyari kanina sa ladies room, ang lalaking nagbukas ng pinto sa men’s room ay mukhang interesado sa nangyayari doon ngayon. Sa halip na lumabas at isarang muli ang pinto ay pumasok pa ito at humalukipkip habang nagpapalipat-lipat ang tingin sa kanila ni Hunter.

Damang-dama ni Dan ang pamumula ng kanyang mga pisngi. Lalo na nang tumutok ang mga mata ng lalaki sa kamay niyang nakahawak sa slacks ni Hunter. Nagpasalamat na lang si Dan nang mabilis na kumilos si Hunter upang alisin ang mga kamay niya. Pagkatapos ay humakbang ito sa harap niya upang itago siya mula sa mga mapanuring mga mata ng bagong dating na lalaki.

“Drew, ano’ng ginagawa mo dito?”

“This is the men’s room. Sa tingin ko naman ay pwede akong pumasok dito. Eh kayo? Ano’ng ginagawa niyo dito?”

“Stop it, Drew.”

Dan heard the man Hunter called Drew chuckle. “I must say, I really have to stop walking in on you guys like this.”

“What?” nagulat si Dan sa sinabi nito.Sumilip siya mula sa pagtatago sa likod ni Hunter.

“Ganito din ang itsura niyo nung una ko kayong makitang dalawa,” sagot naman nito. “Ang pinagkaiba lang ay parang mas maganda ‘yung eksena niyo dito sa men’s room kesa doon sa opisina ni Hunter.” May bahid ng kapilyuhang saad nito.

“That was you?”

“Hey, stop, okay? Tinutulungan lang ako ni Dan na ayusin ang suit ko,” pagpapaliwanag ni Hunter. “By the way, Dan, this is Andrew Gatchalian, my brother. At siya ang dapat mong sisihin kung bakit ako na-late at nagulo ang suot kong damit.”

“Bakit? Ano ba ang ginawa niyo? Nag-sparring?”

Narinig niyang tumawa si Drew sa sinabi niya. “Yeah, something like that. Anyway, it’s nice to finally meet you, Dan. I would like to shake your hand but I’m afraid baka magkaroon ng part two dito sa men’s room ang sparring namin ni Kuya Hunter,” pagkasabi noon ay lumabas na ito ng CR.

“Seryoso ba siya sa sinabi niya? Kakaiba din ang trip niyong magkapatid ha, magsparring ng naka-suit.”

“Kalimutan mo na ang sinabi niya,” lumapit si Hunter sa pinto at ini-lock iyon. “Just making sure no one else is going to bother us.” Bigla itong natigilan pagkasabi non. “Wait, that didn’t sound right. Ang ibig kong sabihin ay—”

“It’s all right. I know what you mean.”

HABANG pinapanood ang presentation ni Hunter kanina ay hindi mapigilan ni Dan ang mapahanga dito. Para bang inborn na dito ang kakayahan sa pagsasalita sa publiko. She couldn’t help but feel proud of him. Lalo na at tila na-charm nito ang halos lahat ng bisita sa party.

“You’re drooling.”

“What?” si Leigh ang nalingunan niya.

“Sabi ko naman sa’yo eh. He’s a really nice guy.”

“Sino?”

“Hay naku, wag ka nang magmaang-maangan pa. Alam kong alam mo kung sino ang tinutukoy ko.”

Napailing siya sa sinabi nito. Sasagutin pa sana niya ito nang bigla itong bumulong sa kanya. “Hey, heads up. Papunta dito ang future in-laws mo.”

“Leigh,” saway niya dito pero inilagay lang nito ang hintuturo sa bibig at inginuso ang mga magulang ni Hunter.

Namataan niyang patungo nga sa kanilang direksiyon ang mga ito. Kanina ay nalaman niyang nasa probation status pa pala si Hunter sa kompanya. Wala pa kasing isang taon mula nang i-takover nito ang posisyon ng ama nito bilang vice president. Parte rin ang ama nito sa committee na maga-assess ng performance nito. Kaya pala matinding effort ang ibinubuhos nito para maging successful ang mga ventures nito.

Nang makalapit ang mga ito ay nagpaalam agad si Leigh.

“Ms. Lagman, I’ve heard only good things about you,” inilahad ng ama ni Hunter na si Raul Gatchalian ang kamay nito sa kanya. “It’s nice to finally meet you.”

“Thank you, Sir,” inabot niya ang kamay nito. Akmang aabutin din niya ang kamay ng ina ni Hunter na si Cathy Gatchalian nang pigilan siya nito. Sa halip ay nakipagbeso ito sa kanya. Nahihiyang nginitian niya ang mga ito.

“Balita ko ay ikaw ang mastermind sa pagsusuot ni Hunter ng suit ngayong gabi,” nakangiting turan ng ginang.

“Yes, ma’am.”

“You have very good taste. My son looked more than good in that suit.”

“I’m glad you’re pleased.”

“Yes, we are,” nakangiti ding singit ng ama ni Hunter. “Pero ikinalulungkot kong kailangan na naming magpaalam. We just stopped by to greet you before we go.”

“Oo nga,” sang-ayon ng asawa nito. “Ayaw ka naming istorbohin kanina dahil alam naming madami kang inaasikaso. Kaya hinintay na lang naming matapos ang party bago ka lapitan.”

“Naku, sana po tinawag niyo ako kanina kung may kailangan kayo. Wala pong problema iyon sa akin.”

“Ma, Pa,” hindi niya namalayang nakalapit na pala sa kanila si Hunter. “Akala ko ba aalis na kayo?”

“Paalis na nga kami. We just wanted to officially meet Ms. Lagman,” sagot ng ama nito.

“Siya, tutuloy na kami. Dumaan ka sa bahay this weekend ha?” nakangiting turan naman ng ina nito.

“Oo, Ma. Ingat kayo ni papa.” Humalik ito sa ina at kinamayan naman nito ang ama.

Nagpaalam din ang mga ito sa kanya bago lumabas ng venue.

“Ano’ng sinabi sa’yo nina papa?” Agad na tanong ni Hunter sa kanya nang makaalis ang mga magulang nito.

“Wala naman, gusto lang daw nila akong makilala.”

“’Yun lang?”

Tumango siya. Tinitigan muna siya nito ng mataman bago ito umiwas ng tingin.

“I think you should go ahead as well. Masyado ng late, delikado na sa daan ngayon.” Maya-maya ay wika ni Hunter sa ma-awtoridad na tinig.

“It’s okay, kailangan ko pang iligpit ang mga dala nating gamit at kausapin ang manager.”

“Ako na ang gagawa ng mga iyan. Umuwi ka na,” anito sa mas mahinang tinig.

“Hindi, Sir. This is part of my job,” nginitian niya ito. “Kung nag-aalala ka sa pag-uwi ko, let me assure you that I’ll get home safe. May sundo ako ngayon.”

SUNDO? Agad na napakunot ang noo ni Hunter nang marinig ang salitang iyon. May susundo kay Dan? Bakit parang hindi niya gusto ang kaalamang may susundo dito?

Get a grip, man! Ang mga babaeng tulad ni Dan imposibleng walang nag-aalaga. At saka tama siya, parte ito ng trabaho niya kaya hayaan mo na siya. Bulong ng kanyang isip. Hayaan? Eh di sige, hayaan na kung hayaan.

Tumalikod na siya at iniwan ito nang hindi nagpapaalam. Talagang biglang sumama ang timpla niya sa kaalamang may susundo kay Dan.

Pumunta siya sa table kung saan nakaupo ang kapatid niyang si Drew. Mas bata ito sa kanya ng dalawang taon. Kung siya ay may pagka-introvert, ito naman ay napaka-outgoing na tao. Bagay lang ito sa marketing department.

“Kuya, nakaalis na ba sila mama?”

“Oo, ikaw hindi ka pa ba aalis?”

“Mamaya na nage-enjoy pa ako dito eh. Saka maganda ang view.” Kinindatan pa siya nito. What a typical thing for his brother to say. Nagpipiyesta na ang mga mata nito sa pagtingin sa magagandang babaeng nandoon. Tapos na kasi ang party nila kaya maaari nang pumasok ang ibang customers sa area na iyon.

“Baka lumuwa na ang mata mo diyan sa kakatingin. Kumurap ka naman kahit minsan,” pang-aasar niya dito.

“Kuya, sayang ang opportunity.” Pumito ito. “Oh yes, that’s what I’m talking about.”

Sinundan ng mga mata niya ang tinitignan nito. Napakunot ang kanyang noo nang makita si Dan minus ang blazer na suot nito kanina. Isang tube dress pala ang suot nito sa ilalim ng blazer na iyon. She really was a looker. Napansin niyang hindi lang si Drew ang lalaking nagpipiyesta ang mga mata sa pagtingin dito.

“Hey, you can look all you want just not on that direction,” paninita niya sa kapatid na may kasamang malakas na tapik sa balikat.

“Man, you’re really getting overprotective.”

“I am not. She’s here on business as my assistant. Responsibilidad ko siya.”

“Sabi mo eh,” ginantihan siya nito ng tapik sa balikat. “Hey, hey, look.”

“Sabi na ngang tigilan mo na yang—”

“Kuya, may boyfriend ba si Dan?”

“What?” Muling lumipad ang mga mata niya sa direksiyong tinitignan ng kapatid. Namataan niya ang isang matangkad na lalaking umupo sa tabi ni Dan. Mula sa kinauupuan niya ay hindi niya masyadong maaninag ang mukha nito. Kasama din si Leigh sa kinauupuang table ng mga ito.

“They look like they’re close or more than close,” narinig niyang wika ni Drew.

“Paano mo naman nasabi yan?”

“Parang may familiarity sa kanilang dalawa. Look at how comfortable they look while sitting together.”

Nakapatong ang isang kamay ng lalaki sa sandalan ng upuan ni Dan. Mukhang balewala lang iyon dito dahil komportableng nakaupo lang ito habang nakikipagkwentuhan kay Leigh. Naalala niya ang sinabi ni Dan kani-kanina lang na may susundo daw dito. Ito ba ang sundong sinasabi nito kanina?

“Mukhang aalis na sila,” komento ni Drew. Mukhang interesado din itong malaman kung sino ang kasamang lalaki ni Dan.

Napansin niyang tumayo na nga ang dalawa. Mukhang nagpapaalam si Dan kay Leigh pagkatapos ay kinausap nito ang lalaki. Medyo maingay na doon kaya magkalapit ang mga ito habang nag-uusap. Napansin niyang nakaalalay din pala ang isang kamay ng lalaki sa likod bewang ni Dan. For some reason, he didn’t like seeing that. Pagkatapos mag-usap ng mga ito ay naunang lumabas ang lalaki. Si Dan naman ay nagsimulang maglakad patungo sa kanilang direksiyon. Saglit na nagtama ang kanilang mga mata. Hindi niya maipaliwanag kung ano ang kakaibang damdamin na iyon na biglang bumalot sa kanya habang magkahinang ang kanilang mga mata. All he knew was that he didn’t want to look any other way.

“Sir, I’ll go ahead. Nandyan na ang sundo ko,” tipid ang ngiting paalam nito.

“Right, take care, Ms. Lagman.”

“Thank you, Sir,” binalingan nito si Drew. “Sir Drew, mauuna na po ako.”

“Okay, see you around,” nahuli niya ang kakaibang tinging ibinigay sa kanya ni Drew bago umalis si Dan. Kaya bago pa ito makahirit ay mabilis na tumayo na siya at iniwan ito upang umuwi.


Heto na ang part 7.

Comments